Monday, February 27, 2012
Bakit kailangang tutulan ang pagputol ng mga puno sa Luneta Hill?
Kung ang mga pahayag ng SM City Baguio ang ating pagbabasehan, tila nga tuloy na tuloy na ang kanilang planong expansion upang lalo pang lubos na palakahin ang mala-higanteng mall sa tuktok ng Luneta Hill. Para ng gustong palabasin ay wala na talagang magagawa ang local an gobyerno o ang mga taong bayan upang pigilan ang kanilang planong putulin, o i-“earthball” ang humigit-kumulang 182 na puno dito.
Kung sabagay, meron na nga naman silang mga permit galing sa DENR para sa pagputol ng mga puno at sa lokal na pamahalaan para sa pagpapatayo ng gusali. Meron din silang Environmental Compliance Certificate, o ECC, na galing din sa DENR. Ang ECC ay nagpapatibay na ang plano ng SM City Baguio ay hindi makakasama sa kalikasan. Kung paano nila nakuha yun, sa kabila ng malamang na pagkamatay ng 182 na puno, hindi natin alam.
Bakit nga ba dapat tutulan ang balak ng SM? Una, ang bawat isang puno ay kayang mag-impok ng libo-libong litro ng tubig. 182 pa kaya? Kapag natuloy ang plano ng SM City Baguio na tanggalin o putulin ang mga puno sa Luneta Hill, saan pa ba aagos ang tubig ulan kundi sa mga mas mabababang lugar tulad ng Session Road, Gov. Pack Road at Harrison Road na maaaring maging sanhi ng pagbaha dito.
Pangalawa, kung walang mga punong maglilikom ng tubig ulan, maaring lumambot ng labis ang lupa at magdulot ng mga nakamamatay at nakapipinsalang landslides. Parang wala pa rin tayong natutunan sa Ondoy at Pepeng, o sa bagyong Sendong na naghatid ng matinding kalamidad sa Mindanao kamakailan lang.
Pangatlong dahilan ay may kinalaman sa ating kalusugan. Nililinis din ng mga puno ang hangin sa pamamagitan ng paglilikom ng mga nakapipinsalang Carbon sa himpapawid. Kapag mas kaunti ang puno sa isang urbanisadong lugar na tulad ng kinalalagyan ng SM City Baguio, mas madumi ang hangin. At hindi naman kaila sa atin na sa mga puno rin nanggagaling ang oxygen na ating hinihinga. Kapag kaunti ang mga puno, mas kaunti din ang nalalanghap nating sariwang hangin.
Sabi din nila, ang kanilang balak na bagong parking lot makakatulong sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko sa Central Business District. Hindi ako naniniwala diyan. Ako ay may sasakyan din, pero kadalasan ay hindi ko na ito dinadala dahil nga mahirap maghanap ng paparadahan. Kapag nagdagdag tayo ng parking lot, ine-engganyo natin ang mga mamayan na magdala ng sari-sariling sasakyan kasi nga, may paparadahan naman. Mas maraming sasakyan, mas masikip ang daloy ng trapiko. Mas mainam na sagot sa problema ng trapiko ang pagpapahusay ng ating sistemang sasakayang pampubliko.
Ang dami nilang sinasabing dahilan kung bakit sila magtatayo ng bagong gusali – kasama na dito ang pag hikayat daw ng mga turista at upang makapagbigay trabaho sa mga mamamayan. Sa unang banda, hindi SM ang ina-akyat ng mga turista dito kundi ang malamig na klima at ang mga punong pino. Pangalawa, ano nga bang klaseng trabaho ang alok ng SM City Baguio, yung trabahong kung saan hindi ka lalampas ng anim na buwan para manatili kang contractual at walang mga benepisyo?
Aminin muna kasi nila na magtatayo sila ng bagong gusali dahil sa isa at isang bagay lamang: pera. Ang tanong ko lang e, hindi pa ba sila masaya sa laki ng kinikita nila sa ngayon at kailangan pa nilang sipsipin pa ang mga tira-tirang mamimiling pinaghahati-hatian ng mga maliliit na negosyante sa Baguio?
Ilan lang ito sa mga dahilan kung bakit dapat tutulan ang plano ng SM City Baguio na putulin ang mga puno sa Luneta Hill. Dahil kapag hinayaan natin ang SM City Baguio na ipagpatuloy ang kanilang maitim na balak upang itaguyod ang kanilang kasakiman sa pera, paano pa natin mapipigilan ang iba pang nagbabalak ding gahasain ang ating kalikasan?
Hahayaan nga ba nating tuluyang mabura ang imahe at alala ng Baguio bilang “City of Pines?”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment